nandito ka
Panliligaw – Noon at Ngayon Wedding Philippines 

Panliligaw – Noon at Ngayon

Bulaklak, liham, at harana – ilan lamang ito sa mga bagay na nagpapahiwatig ng tradisyunal na paraan ng panliligaw. Ang paraan ng panliligaw na ito ang nakagisnan ng ating mga magulang at nakikita nila sa paligid noong sila ay bata pa. O baka nga ang ating mga magulang ay nakaranas mismo ng ganyang paraan ng panliligaw noon. Ngayong ikaw ay dalaga o binata na, maaaring gusto mong malaman kung paano sila manligaw noong unang panahon.

Pahirapan ang paraan ng panliligaw noon. Ang lalaki ay dadaan muna sa butas ng karayom upang makuha lamang ang matamis na “oo” ng kanyang iniibig. Ang panliligaw ay maaaring magsimula sa munting liham para sa babae na naglalahad ng kanyang pagsinta. Gumagamit ng makatang mga salita ang lalaki sa kanyang liham. Syempre, hindi pa nagtatapos sa pagsasabi ng saloobin ang kanyang panliligaw. Susunod na hakbang ng lalaki ay ang panghaharana sa harap ng bahay ng babae. Kadalasan ay nagsasama ng ilang mga kaibigan ang lalaki sa panghaharana at umaawit ng mga awit ng pag-ibig kahit na sintunado. Kailangan din na makuha ng lalaki, hindi lamang ang pag-ibig ng babae, kundi ang pagsang-ayon din ng mga magulang nito sa kanyang panliligaw. Ang pagsang-ayong ito ay hindi madaling makuha dahil bago pumayag ang mga magulang ng babae, kailangan dumaan ang lalaki sa ilang pagsubok. Halimbawa nito ay ang pagsisibak ng kahoy o kaya ay pag-iigib ng tubig. Ang mga pagsubok na ito ay para masuri ng mga magulang ng babae kung karapat-dapat ba ang lalaki para sa kanilang anak. Sinusukat din nito ang katatagan at determinasyon ng lalaki na makamit ang kanyang minamahal. Dahil dito, napapakita ang pagiging masipag, matiyaga at matatag ng isang lalaki.

Ibang-iba na ang panahon ngayon at maging ang paraan ng panlilligaw. Maging ang mga magulang ay nahihirapang intindihin ang bagong trend na ito. Heto ang ilang mga bagay na totoong nangyayari sa mga kabataan ngayon at paraan ng kanilang panliligaw. Kung noon ay kailangan pumunta ng lalaki sa bahay ng babae upang umakyat ng ligaw, ngayon ay pwede nang manligaw sa pamamagitan ng text o chat. Tila hindi na kailangan ang pahintulot ng magulang ng babae upang manligaw o kaya maging magkasintahan. Dahil diyan, maraming magkasintahan ngayon na ang relasyon ay palihim kaya hindi na nakikilala at nakikilatis ng husto ng mga magulang ng babae ang lalaking napupusuan ng kanilang anak. Hindi na din uso ang pagsusulat ng liham at panghaharana dahil meron namang load na unlitext at unlitawag kung saan pwede mo pang makausap o makatext ang mahal mo ng buong araw at kahit magdamagan pa. Minsan nga, may mga sitwasyong ang babae na ang nanliligaw at nagpapakita ng motibo.

Kung ako ang tatanungin, bilang babae, mas pipiliin ko ang tradisyunal na paraan ng panliligaw. Bakit? Una, ang tradisyunal na paraan ay mas romantiko. Syempre, mas romantiko ang lalaking marunong mag effort para sa kanyang iniibig. Kahit simpleng sulat lamang ang matanggap natin, nakakapagsaya na ito ng ating mga puso. Talaga namang mas mahirap magsulat kaysa magtext ano? Pangalawa, mas masaya ang relasyon kapag may pahintulot ng magulang. Hindi mo na kailangan itago ang inyong relasyon ng iyong kasintahan at mapapayuhan pa kayo ng mga nakakatanda kung ano ang dapat na gawin upang maging matibay ang pagsasama. Pangatlo, mas makikilala mo ang pagkatao ng iyong kasintahan. Makikita mo kung siya ba ay masipag at matiyaga sa pamamagitan ng kanyang paraan ng panliligaw sayo. At girls tandaan, huwag basta ibigay ang matamis na “oo”. Bigyan mo naman ng halaga ang sarili mo. Isipin mong ikaw ay diyamante na kailangan paghirapan bago makuha dahil kapag ikaw ay madaling pumayag at magkaroon ng karelasyon, pinapababa mo lang ang iyong halaga at ganun din ang iisipin ng lalaki tungkol sa iyo.

Magkaiba man ang paraan ng panliligaw noon at ngayon, parehas parin ang pagmamahal na ipinakita ng mga Pilipino para sa kanilang iniibig. Kahit anong paraan man ang sundin mo sa panliligaw, laging isipin na ang panlilligaw at pagkakaroon ng kasintahan ay isang seryosong bagay.

Gaano kapakipakinabang ang artikulong ito?

Panliligaw – Noon at Ngayon
4.3 (86.67%) 9 votes