nandito ka
Tips para sa Kasal: Paano gumawa ng personalized na tema at konsepto ng kasal Wedding Philippines 

Tips para sa Kasal: Paano gumawa ng personalized na tema at konsepto ng kasal

Pangarap ng isang babae na makasal sa taong pinakamamahal niya. Ilang taon din ang hinintay mo upang matupad ito. At ngayon nga ay nagkatotoo na ang iyong minimithi. Gusto mong gawing personalized ang tema o konsepto ng iyong kasal. Paano ba gawin ito?

Ang iyong kasal ay dapat na maging kakaiba at ipinapakita nito ang kwento ng buhay at pag-ibig ng dalawang nagmamahalan sa malikhaing paraan. Kailangan munang mag-isip ng ideya o kaya ay detalye na maaaring makaambag sa pangkalahatang konsepto. Ang ideyang ito ang magiging sentro ng mga bagay na iyong gagawin upang mapersonalize ang iyong kasal.

Sa panahong maging engaged ang magkasintahan, sari-saring katanungan ang maririnig nila katulad ng kung ano ang magiging motif, konsepto at tema ng kanilang kasal. Mas magiging personalized ang kasal kung ang mga detalye nito katulad ng gagamiting kulay ay may kahulugan para sa ikakasal. Ang konsepto at tema ay maaaring may kaugnayan sa buhay ng dalawa bilang magkasintahan. Mas maganda ang ganitong uri ng pagpili upang maging di-malilimutan ang kanilang kasal. Nakakatulong din iyan upang gunitain ng dalawa ang kanilang kwento sa araw na pinakahihintay nila.

Sa pagpaplano ng tema at konsepto ng kasal, maraming magkasintahan ang kumokonsulta ng mga eskperto o mga wedding planner. Mainam din na gawin ito upang matulungan kayo na magkaroon ng ideya para sa kasal. Kada taon, may bagong mga trending na konsepto at tema ng kasal. Nakakalito din ito ngunit isaalang-alang ang iyong kagustohan at ng iyong mapapangasawa upang masabi nating ito ay personalized at hindi lang sunod sa uso.

Ano ba ang tema ng kasal?

Ang tema ay yaon bang istilo na iyong pipiliin o napili na maging sentro ng disenyo ng kabuuan ng iyong kasal. Nakadepende sa tema ang magiging disenyo ng invitation card at table setting. Kabilang sa tema ang kulay na iyong pipiliin para sa kabuuang disenyo. Mainam na piliin ang iyong paboritong kulay upang mas personalized ang iyong tema. Para sa akin, mas maganda ang simpleng tema upang mas magkaroon ng pagkakataon ang ikakasal na ipakita ang pagiging natural at syempre, maihayag ang kanilang lovestory.

Ano ba ang konsepto ng kasal?

Sa kabilang banda, ang konsepto ng kasal ay kaugnay ng iyong emosyon. Ito ay tinatawag din bilang ang diwa ng iyong nabuong ideya. Ito ang nagbibigay ng rason sa bawat bagay na iyong pipiliin para sa iyong kasal. Bago magdesisyon ng tema, mabuting suriin muna ang iyong sarili upang mas makagawa ng magandang konsepto na naaayon sa iyong pagkatao. Ang konsepto ng iyong kasal ang magpapakita ng emosyong gusto mong ihayag at mamayani sa araw na iyan.

Gawing personalized ang iyong kasal

Heto ang ilang tips upang maging personalized ang iyong kasal:

  1. Isaalang-alang ang iyong damdamin at emosyon- Sagutin ang mga tanong na ito: Ano ba ang gusto kong maalala ng mga bisita tungkol sa aming kasal? Ano ba ang gusto kong ihayag sa araw na ito tungkol sa aming pagkatao ng aking mapapangasawa? Huwag magpokus sa kung ano ang maganda
    lamang sa paningin ng tao.
  2. Gawing personal ang disenyo at konsepto- Huwag magpokus sa mga bagong trends ng kasal, anupat maluluma din ito. Gumawa ng sariling konsepto na kumbaga ay may sariling brand name upang maging
    hindi-makakalimutan ang iyong kasal. Isipin din na mas magandang feedback ng iyong kasal ang paghanga ng mga tao sa inyong personalized na kasal na naghahayag ng inyong naiibang lovestory kaysa sa kagandahan at malaking gastos ng iyong kasal.
  3. Isipin ang inyong relasyon bilang magkasintahan- Gunitain ang masasayang ala-ala niyong dalawa na humantong sa pag-iisang dibdib. Isipin ang mga bagay na naging tulay para sa inyong dalawa o kaya ay mga bagay na may malaking parte sa pagsasama nyo.

Gamitin ang mga bagay na napag-usapan niyo upang maging sentro ng inyong magiging desisyon para sa konsepto at tema ng inyong kasal. Sa panahong pinag-uusapan niyo ang tungkol sa inyong kasal at ginugunita ang inyong magagandang ala-ala, mas mapapalapit kayo sa isa’t isa. Habang papalapit ang inyong pinakahihintay na araw, marapat na magplano ng maigi at gawin ang mga bagay na magkakasundo kayo. Magandang pundasyon ito para sa isang masayang buhay may-asawa. Sa pagpasok ninyo sa isang bagong kabanata ng inyong buhay, isaalang-alang ang kapakanan ng bawat isa. Maligayang pagbati!

Gaano kapakipakinabang ang artikulong ito?

Tips para sa Kasal: Paano gumawa ng personalized na tema at konsepto ng kasal
5 (100%) 1 vote